Friday, February 27, 2009

pananaliksik

Kolehiyo ng Komersiyo
Unibersidad ng Santo Tomas
Espanya,Maynila

ISANG PANANALIKSIK
TUNGKOL SA PAGTANGKILIK NG MGA PILIPINO
SA PELIKULANG BANYAGA

Bilang pagtupad sa Isa sa mga Pangangailangan ng Asignaturang Filipino 102, Kritikal na Pagbasa at Akademikong Pagsulat tungo sa Pananaliksik

Mga mananaliksik:

Rachelle Gonzales
Danielle Mellesse Canto
Shiermaine Marie Pacheco
Francis Reyes
1CPM

Petsa: Pebrero 28, 2009


MGA NILALAMAN

I. Introduksyon ukol sa Pananaliksik
A. Panukalang Pahayag
B. Introduksyon
C. Rebyu o Pag-aaral
D. Layunin
E. Halaga
F. Teoretikal na Balangkas
G. Metodolohiya
H. Saklaw at Delimitasyon
I. Daloy na Pag- aaral

II. Presentasyon at Interpretasyon ng mga Datos
A. Introduksyon sa Paksa
B. Presentasyon ng mga Datos

III. Pagsusuri, Kongklusyon at Rekomendasyon
A. Pagsusuri ng mga Datos
B. Kongklusyon
C. Rekomendasyon

IV. Listahan ng Sanggunian



I.INTRODUKSYON UKOL SA PANANALIKSIK
A. Panukalang Pahayag
Ang mga banyagang pelikula ay mas tinatangkilik ng mga henerasyon ngayon kaysa mga pelikulang Pilipino.
B. Introduksyon
1. Pagtukoy sa Paksa
Ang paksa ng pananaliksik na ito ay ang patuloy na pagtangkilik ng henerasyon ngayon sa banyagang pelikula.
2. Paglalahad ng Suliranin
Ang industriya ng pelikulang Pilipino ay patuloy sa paghina. Patunay nito ay ang kakaunting manonood ng mga pelikulang Pilipino.
3. Kaligiran ng Paksa
Ang pananaliksik na ito ay patungkol sa mga dahilan ng paghina ng pelikulang Pilipino. At ito rin ay tatalakayin ang mga dahilan sa patuloy na pagtangkilik ng mga Pilipino sa Pelikulang banyaga.
4. Panlipunang Udyok
Sa panahon ngayon, nakikita ng ilan ang malaking pagkakaiba ng pelikulang Pilipino sa banyagang pelikula at hindi ang kahalagahan nito sa patuloy na pagsulong ng industriya. Sa kasamaang palad, mas nasisiyahan ang mga manonood kapag nakakapanood sila ng mga pelikulang gawa pa sa labas ng bansa samantalang ang mula sa ating bansa ay hindi gaanong tinatangkilik.
Ang paksa ay napili sa dahilang nakikita ng mga mananaliksik ang kakulangan ng suporta sa pelikulang gawa sa bansa. Hangad nito na maipakita ang mga dahilan kung bakit nga ba mas sinusuportahan nila ng pelikulang banyaga kaysa sa pelikulang Pilipino. Nangangailangan din ito ng pagkilala na bagamat kulang ang pondo ay patuloy pa rin ang paggawa na mga pelikulang Pilipino.

C. Rebyu / Pag-aaral
Ang pelikula ay isa sa mga kinikilalang sining kasama ng pagpipinta, eskultura, musika, drama at arkitektura na nagbibigay ng yaman sa ating pamumuhay. Sa kasalukuyan, ang pelikula ang may pinakamalawak na impluwensiya sa publiko dahil sa kakayahan nitong magpakita ng mga damdamin at sitwasyon na sadyang mauunawaan ng mga manonood. Tinitingala ito ng publiko na parang salamin ng buhay dahil dito nila nasasaksihan ang paglalarawan ng kanilang mga pangarap, hangarin at paniniwala.
Ang bawat sining ay may layuning itaas ang kaalaman ng publiko tungkol sa kahalagahan ng konsepto ng kalidad. Malaking hamon ito para sa sining ng pelikula. Upang matamo ang layunin ng kalidad sa isang produksyon, mahalagang magkaroon ng kolaborasyon ang mga taong magsisitrabaho sa isang proyekto. Magastos gumawa ng isang pelikula. Mahalagang mabawi ng isang prodyuser ang mga milyong itataya niya sa isang proyekto. At dahil sa laki ng salapi na maaaring matalo sa isang produksyon, maaaring ang mga taga-industriya ay natatakot na ring sumubok ng mga makabagong ideya.
Marami ang naghahangad makagawa ng isang mahusay na pelikula. Ngunit bihira ang mga prodyuser na handang simulan ang prosesong ito sa paggawa ng isang matinong iskrip. Sa sistema ng paggawa ng pelikula sa kasalukuyan, ang paghahanda ng isang mahusay na iskrip ay madalas hindi pinagkakaabalahan ng mga prodyuser. Inuuna pa nila ng pagpili ng magandang playdate kaysa sa pagpili ng isang mahusay na kuwento. Dahil dito, madalas nagiging biktima ng pagmamadali ang pagsulat ng mga iskrip. Dagdag sa problema ng mga manunulat ay ang kaalamang tatatlo lamang ang uri ng kuwentong maaari nilang talakayin: iyong kuwentong may iyakan, tawanan o bakbakan.
Tuwing pinupuna ng mga taga media ang pelikulang Pilipino, dalawang isyu ang madalas binabanggit. Isa na rito ang kakulangan ng imahinasyon ng mga pelikulang nagagawa ngayon. Makikita ito sa paulit-ulit na pagsasapelikula ng mga kuwentong kumita na noong araw gaya ng kuwento ni Darna at ni Dyesebel at sa panggagaya ng mga kuwento ng mga pelikulang dayuhan. Dahil dito, hindi nawawala sa media ang mga masasamang puna tungkol sa uri ng mga nagagawang pelikua ngayon. Marami ang nagsasabing hindi lang paggawa ng pera ang dapat isipin ng ating mga prodyuser. Dapat din nilang isipin ang paggawa ng mga makabuluhang pelikula.
Dahil sa problema ng film preservation sa ating bansa, walang napapanood na mahuhusay na pelikula ang kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino na maaaring magsilbing modelo sa paggawa ng isang magandang pelikula. Dahil sa sitwasyong ito, ang pelikulang banyaga ang madalas na nagsisilbing halimbawa ng paggawa ng isang matinong pelikula. Ngunit dapat maunawaan ng publiko na iba ang kondisyon ng paggawa ng pelikula sa labas ng bansa kung ihahambing ito rito. Unang-una, buong mundo ang tumatangkilik ng mga pelikulang ito. Isa na rito ang Pilipinas. Malaki ang kinikita ng mga prodyuser dahil naipapalabas nila ang kanilang pelikula sa iba’t- ibang bansa. Dahil dito, mayroon silang sapat na kapital para gumawa ng mga pelikulang higit na nakaaaliw at kahanga-hanga ang mga aspetong teknikal.
Ang pagkawala ng pagkakataong mapanood ang mga mahuhusay na pelikulang Pilipino ay hindi dapat magsilbing hadlang sa mga indibidwal na may balak gumawa ng magandang pelikula. Maaari nating tingnan ang sitwasyong ito bilang pagkakataong umisip ng mga naiibang pelikula. Ito ang hakbang na ginawa ng ilang independent filmmakers simula noong kalagitnaan ng dekada 70. Dahil marami sa kanila ang hindi nagkaroon ng pagkakataong mapanood ang mga klasikong pelikulang Pilipino, gumawa sila ng mga pelikulang alternatibo kung saan nangibabaw ang kanilang kaalamang pansining (Reyes 1991).
Inilahad ni Manuel L. Quezon Jr. (1966), sa isang artikulo ang panganib na dulot ng panggagaya ng mga pelikula sa labas ng bansa kahit noon pang nakaraang mga taon. Sinabi niyang: Isang halimbawa ng ating pagbabago at ng panggagaya sa masamang hangaring banyaga: ang ating puting tabing. Sa halip na tularan lamang ang karunungan ng mga ibang bansa sa paggawa ng pelikula at lalong pasulungin, at pagpilitang makatuklas ng higit pang karunungan tungkol sa gayong bagay; sa halip na ang ating puting tabing ay ikabuti at panggagalingan ng kapakanan ng manonood—ang ating puting tabing ay gumagaya sa lahat ng kasagwaan, karumihan, at kasamaan na ipinalalabas sa mga pelikulang banyaga, at kung minsan humihigit pa doon.
Kasamaan sa halip na kabutihan, kamangmangan sa halip na karunungan, kahalayan sa halip na kalinisan, kagaspangan sa halip na kakinisan—yaon ang ating tinutularan at ang aral na napupulot ng mga nanonood sa pelikula ay ang paggawa ng masama.
Samakatuwid, sinusunod ng maraming gumagawa ng pelikula ang masamang hilig ng tao upang kumita lamang ng salapi. Higit pa roon, nakadaragdag pa sila sa masamang hilig at nakapagtuturo pa ng hindi dating alam na kasamaan. Kung gagamitin ng mga gumagawa ng pelikula ang kanilang talino upang gumawa ng mainam at karapat-dapat na pelikula, kikita rin sila, at baka sakali lalong lalaki ang kanilang kikitain. Kung ipinapalagay nila na ang mga Pilipino ay hindi marunong magpahalaga sa mabuti at mataas na uri ng pelikula, sinisiraan nila ng puri ang bayang Pilipino.
Uso. Marahil isa ito sa mga makakapangyarihang salita na makapaglalarawan sa anumang anyo ng midya na tinatangkilik ng mga tao sa isang partikular na panahon. Magkakaiba ang haba ng panahon ng pagiging popular ng anumang nauuso. Maaaring ang pagtangkilik sa isang bagay ay maging isang penomeno na nagtatagal ng ilang taon. Subalit kadalasan, ang mga usong ito ay unti-unting nawawala, nakakalimutan at napapalitan. Ang pinakamasaklap na maaaring mangyari, ang itinuturing na uso sa mga panahon na ito ay maaaring maging katawa-tawa o kakutya-kutya sa mga sumusunod na henerasyon.
Subalit isa lamang ang sigurado, hindi maitatanggi ang impluwensiya ng globalisasyon sa pagtatakda ng kung ano ang uso at kung ano ang laos. Sa panahon ng CNN, ESPN, MTV at Hollywood, sino ang makapagtatatuwang pati ang ating lokal na kulturang popular ay nasakop na rin ng kanluraning (o maka-Amerikang) pag-iisip.
At napag-uusapan na rin lamang ang Hollywood, hindi ba at nagiging pamantayan na rin ito ng ilang mga tao kung ano ba ang pelikulang karapat-dapat na pagkagastusan? Kalimitan, sinasabing mahusay ang pagkakagawa ng isang lokal na pelikula kapag ito ay nahahawig sa pelikulang Hollywood. Kapag mas kopya (mula tema, setting, karakter at istorya), mas pinupuri. Sabi nga nila, "Ayos! Hindi nalalayo sa english movie. Parang foreign film ang dating!" Lalo na ngayong ang kulturang popular ay nababalot na ng globalisasyon. Ninanais na tanggalin ng globalisasyon ang pagkakaiba-iba ng bawat bansa sa daigdig. Minimithi nito na gawing isang siyudad na lamang ang buong mundo. Binubura ng globalisasyon ang identidad ng bawat lahi, samakatuwid, ang konsepto mismo ng mga lahi ay ibinabasura. Subalit hindi maitatanggi na sa pagnanais na gamitin ang isang identidad, may isang lahi ang mangingibabaw sa buong mundo.
Isang hamon sa pelikula ngayon ang pagkawala ng tatak nito bilang isang pilipinong anyo ng midya. Kung tutuusin, marupok na ang konsepto ng Pilipino bilang lahi sa ating mga pelikula. Kung ikukumpara sa ibang bansa, mahahalata mo kung ang napapanood mo ay pelikulang mula sa India o bansang Arabo. Napupuno na ng mga artistang tisoy at tisay na tumatalakay sa mga temang kanluranin. Ang mga naratibong pampelikula at telebisyon ay nagmumukhang bersiyon ng mga bagay na napanood na sa banyagang midya. Malakas ang pagtangkilik ng mga Pilipino sa pelikulang banyaga, partikular ang Amerikano, bahagi marahil ng colonial mentality. Madalas nauuwi sa paghanga ang nasabing pagtangkilik sa mga pelikula (Lacunio 2007).
Sa isang artikulo, inilahad ni Noel Barcelona (2002) na aminado na talagang naghihingalo ang industriya ng pelikula hindi lamang dahil sa walang habas na pagbubuwis dito ng gobyerno, kundi maging sa kawalang pagpapahalaga at edukasyon ng mismong nasa burukrasya sa kahalagahan ng pelikulang Pilipino (mas popular sa tawag na pelikulang Tagalog).

Sa isang pulong na kanyang dinaluhan, sinabi ni Leo Martinez, mismong ang taga-Film Development Council of the Philippines (FDCP) - natatanging konsehong nalikha sa panahon ni dating pangulong Joseph "Erap" Estrada na isa ring aktor at prodyuser ng pelikula, ang humarang sa pagsabatas ng pagpapababa ng buwis na ipinapataw sa paglikha at pagpapalabas ng pelikula. Aminado naman sila na maaaring may kapabayaan din sa panig ng mga aktor, tagalikha at tagapagpalabas ng pelikula - sa panig ng mga aktor, direktor, manunulat(scriptwriter), at prodyuser ang hindi mabisang paglalabas ng isang makabuluhang kuwentong pampelikulang maaaring tangkilikin ng madla sa kabilang banda, at ang pagpapatung-patong ng singil naman ng mga may-ari ng sinehan bunga nga ng napakataas na buwis.
D. Layunin
1. Pangkalahatan
Layunin ng pananaliksik na makatulong sa pagbibigay kaalaman ukol sa mga dahilan ng paghina ng pelikulang Pilipino. Gayundin ang makapag-ambag ng karunungan sa nangyayari sa ating industriyang pampelikula sa ngayon. Layunin rin ng pananaliksik na ito na makapag- ambag sa mga pag-aaral ukol sa pelikula sa bansa.

2. Tiyak
Layunin ng pananaliksik na ito na makapangalap ng mga impormasyon ukol sa kasalukuyang kalagayan ng ating pelikulang Pilipino at maipakita ang mga dahilan ng di pagtangkilik ng ilan sa usaping ito. Tunay na malakas ang dating ng mga banyagang pelikula sa mga Pilipino. Kahit na hindi maganda o hindi kanais-nais na panoorin ang ilan sa kanilang mga palabas ay tinatangkilik pa rin ito ng masa.
Layunin rin nito na ipaabot sa mga tao na ang pelikulang Pilipino ay nangangailangan ng suporta at pagtangkilik ng mga kapwa Pilipino upang pag-ibayuhin pa ang paggawa sa mga ito. At nais din na makapag surbey sa ilang mga tao upang maipakita at mailahad ang kanilang mga rason o dahilan sa ganitong mga bagay.
E. Halaga
Mahalaga ang pananaliksik na ito sapagkat isa ito sa makakapaglahad ng mga dahilan kung bakit mas gusto ng mga Pilipino ang mga pelikulang nanggagaling pa sa labas ng bansa. Maaari ring maging tulay ang pananaliksik na ito para mapaganda at mapahusay ang kalidad ng pelikula sa bansa. Hinahamon nito na pag ibayuhin ng kasalukuyang industriya ang kanilang mga pelikula upang lalo pang tangkilikin ng mga taong sumusuporta dito. Gayundin, upang mahikayat ang ilang tao na kilalanin ang mga pelikulang gawa mismo sa bansa at gawa ng mga kapwa Pilipino. Ang pananaliksik ay maaaring magamit o maging gabay ng mga nais pang magsiyasat na may kaugnayan sa paksa ng pananaliksik na ito.

F. Konseptuwal na Balangkas

[Pelikulang Pilipino] [Pelikulang Banyaga]

[Mga Dahilan ng Paghina] [Mga Dahilan ng Pagtangkilik]

[Mga maaaring Solusyon] [Epekto sa mga Lipunan at mga Pilipino]

Ang mga Pilipino ay magkakaiba ang pagtingin sa Pelikulang Pilipino at ang Pelikulang banyaga. Ang ilan ay gusto ang pelikulang gawa sa bansa ngunit karamihan ay mas nais ang pelikulang mula sa labas ng bansa. Ilalahad dito ang epekto ng pagtangkilik sa pelikulang mula sa ibang bansa sa lipunan at sa mga Pilipinong nakahiligan ang panonood ng ganitong uri ng pelikula. Ilalahad dito ang maaaring solusyon sa usaping paghina ng Pelikulang Pilipino. Ang pananaliksik ay nais ipabatid ang mga dahilan sa paghina ng pelikulang atin at pagtangkilik naman ng henerasyon ngayon sa pelikulang banyaga.

G. Metodolohiya
Ang mga mananaliksik ay mangangalap ng mga impormasyon ukol sa Pelikulang Pilipino sa tulong ng mga libro sa silid-aklatan ng UST. Hindi lamang sa mga libro, maging sa mga artikulo sa mga pahayagan at sa internet. Magsasagawa rin ang mga mananaliksik ng surbey para alamin ang mga madalas nilang panoorin sa sinehan. Magsasagawa ng surbey sa ilang estudyante ng UST at sa ilang kapwa pilipino. Ibabase sa edad ang pagkakagrupo- grupo sa mga respondete. At ilalahad ang mga dahilan ng pagpili sa pelikulang gawa sa labas ng bansa.

H. Saklaw at Delimitasyon
Ang pananaliksik ay tatalakayin ang tungkol sa mga dahilan ng paghina ng Pelikulang Pilipino at ang mga dahilan sa pagtangkilik naman ng maraming Pilipino sa pelikulang banyagang. Sasaklawin rin ng pananaliksik ang ilang mga impormasyon sa mga nakaraang pelikula. Ang pagkakaiba ng kasalukuyang ipinapalabas noon at ng sa ngayon na makakatulong sa malinaw na pagpapaliwanag sa paksa ng pananaliksik.

I. Daloy ng Pag- aaral
Ang unang bahagi ng pag- aaral ay tungkol sa introduksyon ng pananaliksik, ang mga layunin at ang mga pamamaraan sa pagsasagawa nito. Nakatuon din ito sa mga natapos ng pag- aaral tungkol sa paksa ng mga mananaliksik. Ang ikalawang bahagi naman ay naglalaman ng mga impormasyon sa isinagawang pananaliksik. Naglalaman ito ng mga resulta ng isinagawang survey ng mga mananaliksik. ang ikatlong bahagi naman na pananaliksik ay naglalaman ng konklusyon ng mga mananaliksik sa isinagawang pananaliksik at kung makatotohanan ang panukalang pahayag ng mga mananaliksik. Naglalaman din ito ng mga rekomendasyon para sa mga tao, mga taga-industriya ng pelikula at sa mga nagnanais gumawa ng pelikula sa bansa.

II. PRESENTASYON AT INTERPRETASYON NG MGA DATOS
A. Introduksyon sa Paksa
Sinasabing ang pelikula ang pinakahuling sining na natutunang sinupin ng mga manlilikha nito. Ito ang dahilan kung bakit ang ilang mga pelikula na nilikha noong unang panahon ay hindi naipapalabas ngayon. Sa kasalukuyan, kinahiligan na ng mga Pilipino ang panonood ng pelikula. Ito ang nagsilbing libangan o pampalipas oras sa ilang mga Pilipino. Alam ng lahat ang malakas na pagtanggap ng madla sa ganitong uri ng sining. Kung kaya, marami ang nagnanais na makabuo rin ng isang pelikulang mamahalin ng mga tao. Ngunit marami ang mas nais ang pelikulang nanggagaling sa labas ng bansa.

Ang mga pelikulang mula sa labas ng bansa ang kadalasang napapanood ng mga Pilipino sa mga sinehan. Kung minsan pa nga ay makikita natin ang nagsisilakihang billboard ng pelikula kasama ang mga nagsisiganap dito na isang anyo ng patalastas upang maingganyo ang mga manonood na panoorin ito. Laman din ng mga dyaryo ang mga pelikulang maaaring mapanood sa panahong iyon at kung saan puwedeng mapanood ang isang pelikula sa ibat- ibang sinehan sa bansa.

Pagtangkilik ng mga Pilipino sa banyagang pelikula ang paksa ng pananaliksik na ito. Sa panahon ngayon, maraming Pilipino ang mas nais panoorin ang mga pelikulang nanggagaling sa labas ng bansa. Ikinasisiyang pag-usapan ang mga pelikulang ito ng tao dahil sa kakaibang pagpapalabas sa bansa. Hindi natin maipagkakailang malakas ang pagtanggap ng mga tao sa pelikulang banyaga. Sa bawat pelikulang ipinapalabas sa bansa ay binibigyan ito ng oras o panahon upang mapanood lamang ang pelikula na ito. Bata man o matanda ay naaaliw sa ganitong uri ng sining. Ngunit hindi nakikita ng iba ang epekto nito sa industriyang pampelikula sa bansa. Marami ang nakokontento na lamang sa kung ano ang mapapanood sa mga sinehan basta’t ito ay banyagang pelikula.
Ang paksa ng pananaliksik ay dapat na malaman at pahalagahan ng mga tao. Ito ay isang usapin na makikita sa ating lipunan. Ang patuloy na paglakas ng pelikulang banyaga sa bansa ay nangangahulugan lamang na ang Pilipinas ay hindi pa rin nakakaalis sa anino ng ibang bansa. Na ibinabatay ang ganda ng isang pelikula kung ito ay kahalintulad ng mga pelikulang napapanood sa ibang bansa. Kung ihahambing ang kondisyon ng paggawa ng pelikula noon at ngayon, hindi nalalayo ang ang mga problema na kinaharap ng pelikulang Pilipino noon at ngayon. Kahit na maraming hadlang sa paggawa ng pelikula noon ay nakuha ng ilang manlilikha ng pelikula na gumawa ng mga iskrip na makabuluhan kahit hindi ito hinihingi ng publiko o ng industriya. Mahalaga ang papel ng mga manlilikha dahil sila ang nakaiimpluwensiya sa kamalayan ng mga tao. Sa paunti-unti nagsisimula ang pagbabago sa panlasa ng madla sa pelikula.

Walang unos na di nagsimula sa ilang patak. Sa simula'y kakaunti lamang ang tatangkilik sa mga de kalidad na pelikula, pero sa pamamagitan ng walang hanggang komunikasyon sa lipunan ay pasasaan ba at lalaganap din ang bagong pananaw ukol sa kahalagahan ng pagtangkilik sa pelikulang Pilipino.

B. Presentasyon ng mga Datos
Natuklasan ng mga mananaliksik ang mga sumusunod na impormasyon at datos.
Inalam ang distribusyon ng mga respondente ayon sa kanilang edad.

DISTRIBUSYON NG MGA RESPONDENTE AYON SA EDAD



Ang grap na ginamit ng mga mananaliksik ay ang double bar graph. Ito ay nagpapakita ng pagkakagrupo-grupo ng mga respondente ayon sa kanilang edad. Sa tatlumpung respondente na sumagot sa surbey ng mga mananaliksik, anim ang may edad na labing-anim pababa. Lima dito ang may nagsabing mas nais nilang panoorin ang pelikulang banyaga at isa ang nagsabing pelikulang Pilipino ang mas pinapanood. Sa tatlumpung respondente, labing–isa ang may edad labing-pito hanggang labing- siyam. Sampo dito ang mas nais panoorin ang pelikulang banyaga samantalang isa ang nagsabing pelikulang Pilipino ang paboritong panoorin. Sa kabuuang bilang ng mga respondente, pito ang may edad dalawampu’t isa hanggang dalawampu’t lima. Anim sa mga respondenteng ito ang mas pinapanood ay pelikulang banyaga at isa ang pinapanood ay pelikulang Pilipino. At ang huling distribusyon ayon sa edad dalawampu’t anim pataas na mayroong anim na respondente. Lima sa kanila ay mas pinapanood ang pelikulang banyaga at ang isa, pelikulang Pilipino ang gustong panoorin. Samakatuwid, lumilitaw na dalawampu’t anim sa kabuuang bilang ng respondente ang nagsasabing mas nais panoorin ng mga Pilipino ang pelikulang banyaga kaysa sa pelikulang Pilipino.

III. PAGSUSURI, KONGKLUSYON AT REKOMENDASYON
A. Pagsusuri ng mga Datos
Sa pagsusuri ng mga datos na nakalap ng mga mananaliksik, lumalabas na iilan lamang sa mga respondente ng surbey ay mas tinatangkilik ang pelikulang gawa sa bansa. Na iilan lamang ang nasisiyahan sa mga pelikulang pinapalabas ng industriya ng pelikulang Pilipino. Ito ay nagpapakita na mayroong kulang sa mga pelikulang ipinapalabas ngayon. Marami ang kailangang punan upang masabing nagbago ang pagpapalabas ng pelikula sa bansa. Makikita rin sa mga impormasyong nakuha ng mga mananaliksik na iba- iba ang pananaw ng mga Pilipino sa pelikulang Pilipino at pelikulang banyaga. May ilang nagsasabing kailangang tangkilikin ang mga pelikulang gawa sa bansa samantalang ang iba ay nasisiyahan sa pelikulang mula sa ibang bansa.

B. Kongklusyon
Sa pamamagitan ng mga nakalap na impormasyon ng mga mananaliksik, lumalabas na tunay nga na mas tinatangkilik ng henerasyon ngayon ang pelikulang nanggagaling sa labas ng bansa. Ang mga dahilan ay ang kakulangan sa pondo at ang pagmamadali ng iskrip ng pelikula ang kalimitang sinasabing dahilan ng paghina ng industriya ngayon.
Napag-alaman din ng mga mananaliksik ayon sa isinagawang surbey ang ilang mga dahilan sa pagtangkilik sa pelikulang banyaga. Halos lahat ng mga respondente ay nagsasabing maganda at kamangha- mangha ang mga special effects ng pelikulang mula sa ibang bansa. Ang iba naman ay inilahad na kakaiba ang mga uri ng kwentong ipinapakita at makabuluhan o mapagkukunan ng mga mahahalagang impormasyon o aral ang mga pelikulang ito. Ang ilan naman ay naglahad na magaling gumanap ang mga artista sa ibang bansa.
Para naman sa mga sumagot na mas nais nila ang pelikulang Pilipino, inilahad nila na naniniwala sila na dapat mas tangkilikin ang sariling gawa mula sa bansa. Madalas pampamilya ang tema at kakapulutan din ng magandang aral ang mga pelikula mula sa bansa, katwiran naman ng ilan.
Natutunan na mga mananaliksik na malaki ang epekto ng pagtangkilik ng tao sa pelikulang banyaga. Sinasabing sa halip na karunungan ang iparating ng mga pelikulang ito, kung minsan ay kapangahasan pa ang naidudulot nito sa mga manonood. At upang maiwasan ang paghina ng industriyang pampelikula sa bansa, nais ng mga tao na gamitin ang talino at imahinasyon ng mga gumagawa ng pelikula.

C. Rekomendasyon
Kaugnay sa ginawang pananaliksik, iminumungkahi ng mga mananaliksik ang mga sumusunod:
a. Para sa mga gumagawa ng pelikula sa bansa, pag-ibayuhin pa ang paggawa ng mahusay na pelikula. Kailangang isaalang- alang ang mga bagay na maaaring makatulong sa muling pagsigla ng Pelikulang Pilipino. Huwag maging kontento na lamang sa kalagayan ng pelikulang Pilipino ngayon. Mas lalo pang pagyamanin ang pelikula sa bansa. Ang usaping ito ay dapat magsilbing hamon at hindi pasanin sa mga gumagawa ng pelikula.
b. Para sa mga nagnanais pang gumawa ng isang mahusay na pelikula, hayaan na ang talino ang humubog sa trabahong gagawin. Sa paggawa ng isang pelikula, hindi mananatiling hadlang ang anumang problema kung imahinasyon at talino ang papairalin ng isang indibidwal.
c. Para naman sa mga manonood ng pelikula sa bansa, tangkilikin ang gawang atin. Hindi lahat ng galing sa ibang bansa na pelikula ay may mabuting maidudulot sa tao. Ang iba kung minsan ay nakapagdadala ng mga masasamang bagay na di dapat malaman ng mga tao.
d. Para sa iba pang mananaliksik, palawakin pa ang pag-aaral na ito tungo sa pagtuklas ng marami at higit pang datos o impormasyon na kaugnay sa paksa ng pananaliksik na ito.Ipagpatuloy ang ginawang pananaliksik upang maipakita ang maaaring solusyon sa usapin sa Pelikulang Pilipino.

LISTAHAN NG MGA SANGGUNIAN

Reyes, Manny.1996.Malikhaing Pelikula.Makati City:Media Plus

Quezon Jr., Manuel L.1966.Panganib ng Bayan.http://www.quezon.ph/familyinfo/manuel-l-quezon-jr/panganib-ng-bayan/

Lacunio, Nevil. 2002. Ang Pelikula bilang aklat pangkasaysayan sa panahon ng globalisasyon sa kulturang popular.http://www.geocities.com/elvinelvinelvin/pelikula.html

Barcelona, Noel.2007.Namamatay na nga ba ng pelikulang Pilipino. http://directtothepoint.motime.com/
Sari-saringsinengpinoy.com


Isang halimbawa ng surbey ng mananaliksik:

4 comments:

  1. Maaral at puno ng impormasyon ang ginawa mo sa blog na to.sakit.info

    ReplyDelete
  2. Iba samin ei naka lagay dito kung ano ang rekomendasyon mo sa pelikula

    ReplyDelete
  3. salamat po sa pagbahagi ng iyong pananaliksik

    ReplyDelete
  4. Lucky Club Casino Site - Lucky Club Live
    Lucky Club is the premier gambling site with a rich portfolio of games including blackjack, roulette, and other luckyclub games. Read more. Deposit: 100%

    ReplyDelete